Sunday 30 December 2012

Santa ON

Walang kinalaman dito si Santa. Wala ring kinalaman dito ang pasko. Pero may kinalaman ang 1 year. 1 year Hospital experience. 1 year Mental Hospital experience. 1 year Mariveles Mental Hospital experience. Akalain mong isang taon na pala yun na paganun ganun lang? Paganun ganun meaning, pa vital signs vital signs, papainom painom ng gamot, pachart chart, patali tali, pa-NPI NPI, palinis linis ng sugat, parefer refer, pakwan kwan, pa-ano ano. 1 year na yun? Ang bilis. Sa pagbabasa mo nito, sinisigurado kong wala kang mapupulot na aral. Kwento lang 'to basta.



Konting flashback:

Noong nakaraang taon, nung kakasimula ko palang sa mental, sinubukan kong gumawa ng blog na maglalaman sana lahat ng gagawin ko sa ospital bilang isang nars. Tipong online diary o journal o whatever shit. Para sana kako pagkatapos ng kontrata e pwede kong balik balikan yung mga pinag-gagagawa ko. Tipong pagtatawanan. O maishe-share. Wala lang pang nostalgia trip. For personal consumption pero hindi for private use. Kakaunti lang actually ang naka-alam ng blog na yon na tumagal lang ng halos isang linggo. Pagkatapos kasi ng isang linggong pagsusulat ng kung anu-anong shit, sabi ko, "Ah, wala, routine care lang dito, wala akong maisusulat na bago araw araw. May ma-experience man akong kakwento kwento, siguro once a month lang. At hindi yun sapat para ma-maintain yung blog." Fucked up yung logic, pero yun yung naisip ko nung time na yon. Ang hindi ko alam, madami pala akong maikwekwento, hindi nga lang lahat related sa trabaho, pero sa mga katrabahong naging parte ng aking buhay(tangina ang korni ng linya na yun).

Sa kasalukuyan:

Tapos na ang aking kontrata. Tapos na yung 1 year experience. Wala akong na-isave na file o sulatin o whatever shit, bukod dun sa orientation shit, na pwede kong ma-ishare. Sayang, madami pa naman akong natutunan, na sayang din, dahil hindi ko nga naisulat. Naisulat sana habang buo pa o sariwa pa yung experience. Pero alam mo isa sa natutunan o naacquire ko, e pag haba ng kwan ko, pasensya. Kala mo bastos no, mahaba na talaga yon, mataba pa. Tipong pag may balahura akong kausap sinasabi ko na lang sa sarili ko na "tang ina pasalamat ka, may mas matindi pa akong nahawakang may sakit sa pag-iisip kaysa sa'yo." Doon, sa mental, ko nakasalamuha ang iba't ibang klase ng tao. Bukod dun sa mga may sakit sa pag-iisip, ay yung mga katrabaho ko. May mabait, may hindi, may matulungin, may soloista, may masipag sa trabaho, may tamad, may balahura, may cool, may pa-cool, may mataray, may mukha lang mataray, may open-minded, may close-minded -- eto sa close-minded ako medyo nahirapang makisalamuha ng full time, na para bang may makitid akong lubid na tinatawiran tungo sa diplomasya-- may buraot, may galante, may kupal, may mukha lang kupal, may maingay, may tahimik, may mga masikreto, may mga tumitira ng patalikod, may plastic, pero karamihan naman mga totoo at tunay. Solb, wala naman kasing perpektong tao, at ayos lang ang may kapintasan dahil tao ka naman, may kakayanan kang iimprove kung ano man yung shit na yun. Ang importante, naging maayos ka-trabaho.

Ang mahirap sa pagtatapos ng mga ganitong bagay e yung pamamaalam. Drama whatsoever shit. Hindi naman mamamatay e, magkakahiwa-hiwalay lang ng landas. Para sa akin, kalokohan 'tong pamamaalam na 'to. Dahil una, magkikita kita pa naman. Hindi nga lang alam kung kailan at kung sabay sabay. Pangalawa, sa panahon ng social networking, unlimited text and call, qwerty keypads, skype, camfrog, YM at kung anu-ano pang online at technological shit, minuto o segundo lang ang kinakailangan para makausap o makita mo yung tao. Mas nagiging mabigat lang yung pakiramdam pag mas magara o magarbo o tipong araw araw kayo nagpapaalamanan. Maganda kung biglaan. Tipong walang closure. Dahil sa totoong buhay, wala naman talagang closure. Kita mo yung mga fairy tales? And they live happily ever after. Kalokohan. Wala lang, ang lakas lang maka-nostalgia trip pag ganun. Badtrip. Pero nakakatuwa 'to. Alam mo kung bakit? Nagkakalimutan lahat ng hinanakit o sama ng loob. Nawawala sa alaala ng bawat isa na minsan kang kinupal ni ganito o tinira ka patalikod o ginago ka, o sinaktan ka, o whatever, mga ganoong bagay kapag nagsasabihan na ng paalam. Tipong, salamat sa lahat bla bla bla, sorry bla bla bla, see you soon, bla bla bla. Ang galing diba? Sabagay, mas matimbang talaga yung good memories e. Fuck that. Learn to forgive but never forget.

Sa pangkalahatang shit, panalo talaga 'tong mental experience na 'to. Madami akong natutunan na hindi naituro sa apat na sulok ng klasrum. Marami akong nalaman sa pampublikong ospital na hindi nakasulat sa makakapal na textbooks. Maraming tanong na hindi lumalabas sa board exam ang aking naitanong, pero hindi ko pa nahahanapan ng sagot. Marami akong nakuhang sagot na hindi lumalabas sa mga leakage dahil hindi ko pa hinahanapan ng tanong. Pero malamang baka hindi ko na 'to ulitin. Tangna ang dami kayang issue, mula sa PPEs hanggang sa kulay ng bolpen, whatever shit. Pero kung makakasama ko ulit yung mga nakasama ko, bat hindi? Digs na digs pag sila ang kasama. Maaring baduy o korni pakinggan pero sa totoo lang sila na lang minsan, bukod sa violet flag na daig pa ang nadelay na regla kung magpakita, ang nag-iinspire sa akin para pumasok. Lalo na netong huli, si kwan. (Magpa-praktis na akong sumagot ng pashowbiz dahil mag-aartista talaga ako e.)

Sumakto yung endo sa pagtatapos ng 2012. Nakakainis. 2013 na 2013 walang trabaho. Pero ayos lang. Let's go 2013!



Quits na, pwede ko nang ibaon ang lahat ng ito sa subconsciousness ko. 

MMH peeps kita kits. :) Wag sa mental as admission ha.

No comments:

Post a Comment