Wednesday 13 June 2012

Camping and Hiking Tips and Tricks 101 mula sa Endangered Mt.Tarakers/Papaya River Explorers

Ang Tamang Pagpa-plano.





1.) Isang linggo bago ang nasabing petsa ng pamumundok, dapat ay siguraduhing pwersahang pilitin ang mga isasama. Pag sinabing pwersahan, literal talaga na pwersahan. Ang hindi sasama, susunduin sa kani-kanilang bahay sa mismong araw ng pagha-hike. Gabihin man ang pamumundok okay lang yon, ang importante, damay damay.



2.) Kung may pasok sa araw na iyon, absentan. Magpaalam ng mabuti sa maiiwanang kasama at gumawa ng kapani-paniwalang letter of explanation na ipapasa sa iyong boss. Halimbawa, "Hindi po ako nakapasok nang araw na iyon kasi po absent ako. Sorry po, hindi na po mauulit, promse peksman, mamatay man yung aso ng kapitbahay namin na walang ginawa kundi tumae sa harap ng gate namin. Salamat po sa pag-unawa. Lubos na gumagalang, [insert name here plus signature plus smiley]". Sigurado kinabukasan pag pasok mo ay masakit ang katawan mo, kaya pwede mong ipaliwanag na nagka-trangkaso ka kaya hindi ka talaga nakapasok at pinilit mo lang ng araw na iyon pumasok dahil isa kang ulirang manggagawa. Tandaan na huwag mag-uupload agad ng mga pictures sa kahit anong social networking sites para walang ebidensya.

3.) Ihanda ang tent. Siguraduhing kakasya kayo dun. Huwag magrecruit ng hindi kakilala tapos makikitent lang.

4.) Magdala ng flashlight na malapit ng mawalan ng baterya. Dagdag sa thrill ang mahinang ilaw ng flashlight lalo na kapag gabi, at tanging huni gawa ng mga hayop na hindi mo malaman kung ano tangi mong maririnig.

5.) Magdala ng mga cup noodles at kape. Mga instant talaga ang kailangan kapag ganitong hiking, dahil bukod sa magaan, ay napakasustansya na kailangan ng katawan. Huwag kalimutang iwanan ang butane, para wala kayong mainit na tubig.

6.) Magdala ng diyaryo. Hindi para basahin, kundi para gawing pamparingas. Mas maganda kung Manila Bulletin ang dadalhin. 

7.) Magdala ng lotus. Bukod sa magaang na, pwede pang gawing payong. But wait there's more! Pwede din gawing pang latag sa sahig! What a great offer! Pwede ding ibigay sa manang na nangunguha ng lotus sa paanan ng bundok. Saan ka pa? Lotus na!

8.) Huwag ipa-plastic ang mga damit sa bag. Kapag ganitong tag-ulan, dapat talagang mabasa lahat ng damit mong dinala. Tsaka na papatuyuin kapag umaraw.

9.) Huwag mag sapatos at mag pants. Tandaan, maghihiking kayo hindi kayo gigimik. Sapat na ang tsinelas at shorts.

10.) Huwag kalimutan ang camera. Kailangan ang camera para makapagpicture ng magagandang views at para may maipagmamayabang ka na namundok ka nga.


Ang tamang pagpa-plano ng lakad ay hindi talaga pinaplano. Tandaan na hindi talaga natutuloy ang isang lakad kapag pina-plano.



At siyangaps, tubig, kailangan nyo ang tubig, siguro mga 5 gallons, para siguradong makapunta kayo sa peak.











Ang Tamang Pagha-hike


1.) Maglakad ng maayos.

2.) Huminga ng malalim. Bago umutot.

3.) Pwedeng tumawa pero wag tumawa ng tumawa.

4.) Tignan ang kasama sa likod, baka naiwan. Kung ikaw ang nasa likod, wag ng tumingin pa sa likod dahil baka may makitang iba.

5.) Ngumiti pag pipicturan para hindi ka magmukhang basang sisiw na masungit na ewan sa picture.

6.) Huwag uminom ng uminom ng tubig. Hindi ka halaman sa disyerto. Sapat na yung sipsip-sipsip lang.

7.) Galingang magbalanse sa putikan. Hindi sementadong daan ang inyong daraanan. Hindi rin puro damuhan. Hindi rin lalong tuyong lupain. Kung hindi mo kaya, galingan mo nalamang kumapit sa mga ugat ugat. Kung hindi mo pa din kaya, kawawa ka naman.

8.) Tuwing tatanungin ng kasama kung gaano pa kayo kalayo, lagi mong sabihin na "20 minutes na lang!" kahit na ang totoo ay halos 2 oras pa ang layo. Mas nakakamotivate kasing maghike kapag sinasabi na "20 minutes na lang!". Hindi ko din alam kung ano ang scientific or psychologic explanation ang meron sa "20 minutes".

9.) I-greet ang makakasalubong na hikers. Tapos trash talkin pag nakatalikod na. Halimbawa,


Ikaw: Good morning sir!

Random Hiker: Good morning din po! Pababa na kayo?

Ikaw: Opo pababa na! Ingat po kayo!

Random Hiker: Okay salamat po! Ingat din kayo!

Pag talikod ng hiker

Ikaw: Hindi, hindi. Paakyat din kami, kita mo naman diba?

Sabay magtawanan kayo ng malakas. Para todo-combo.


10.) Sundan ang inyong great team leader. Ang inyong great team leader ang magdidikta ng phasing nyo sa paghihike, kung mabilis ba kayo o mabagal. Mas maganda kung ilagay sa unahan ang pinakamabagal niyo sa team, para hindi kayo ganong mapagod.


Enjoyin ang paghihike. It's not the kwan that counts, it's the ano, journey, pare it's the journey that counts.


Ang Tamang Pagca-camping


1.) Humanap ng tamang camping site. Mas maganda kung malapit sa ilog para may source kayo ng tubig at kung sakaling bumagyo at mag-overflow yun, siguradong deadbol kayo. Kapag nakakita kayo ng bakas ng pinagkampingan na ng dating campers, maganda ding pumwesto dun para hindi na kayo maghukay ng "canal" ng tent niyo incase na umulan.

2.) I-set ang tent ng tama. Yun na yun. Basta i-set ng tama.

3.) Kapag na-set na ng tama ang tent, oras na para magparingas ng apoy. Mas magandang magparingas kapag umuulan, at wala kayong dalang butane at basa lahat ng kahoy sa paligid niyo. Napaganda ng ganong pagpaparingas. Puro baga lang magagawa nyo. Malamang lamang e magkakayayaan kayong matulog na lamang.

4.) Upang masindihan ang inyong mga dalang posporo na basa, gumamit ng lighter. Gamit ang nasindihang posporo, magsimulang gumawa ng panibagong set ng mga baga, na wala ding silbi dahil basa lahat ng pwedeng i-pang gatong. Tandaan din na ang mga lata, plastic, at kahit anong pwedeng masunog ay pwedeng maging magandang pamparingas. Mas the best kung susunugin niyo lahat ng kalat niyo para environmental friendly talaga dahil wala kayong maiiwang kalat.

5.) Gumawa ng sampayan. Naalala mo yung mga basang damit na dala mo? Oras na para isampay yon. Isampay din ang mga damit na nabasa ng maligo ka sa ilog. Siyangaps, sa pag ligo sa ilog, maging alerto, kadalasa'y madaming linta dito. At huwag gumamit ng sabon dahil nakakasama ito sa inang kalikasan. Be nature friendly. Drink flowing river water.

6.) Nakaligo ka na, nakaset na ang tent, nakasampay na ang mga sinampay. Oras na para mamlantsa naman, este kumain. Lantakan ang lahat ng baon na para bang wala ng bukas. Dahil nga walang apoy, malamang wala ding mainit na tubig, at dahil walang mainit na tubig walang kape at soup. Pero hindi totoo na walang kape at soup dahil pwedeng itimpla ito sa malamig na tubig. Galingan mo lang ang paghalo para matunaw ang mga ito. Cold coffee at cold soup sa cold weather. Very relaxing.

7.) Ang mga natirang pagkain ay hindi itinuturing na kalat kundi alay sa kapaligiran. Huwag kang mag-alala, hindi ito nakasira sa kapaligiran, ito ay nagbibigay ng pagkain sa nagugutom na insekto, hayop o anumang nilalang sa bundok, Iwanan lamang ang mga natirang pagkain sa labas ng tent, at kinaumagahan ay mawawala din ang mga ito. Maniwala ka, kahit ayaw mo.

8.) Sa loob ng tent, kahit pagod na kayo, ay hindi pa kayo dapat matulog. Ano yan, namundok kayo para matulog? Ang gagawin niyo ay magkukulitan bago matulog. Kung paano, ay kayo na ang bahala. Kung pang SPG ba yan o XXX o kung ano mang ano yan. Basta ang korni kung matutulog agad kayo. Pwede yun kung wala ka pang tulog.

9.) Magpicture picture at magvideo video. Ito ang isa sa magandang oras para makapag picture picture at makapag video video sa loob o sa labas man ng tent.

10.) Kapag matutulog na kayo, pumwesto ng maayos. Iwasang umutot, pero kung hindi maiiwasan, siguraduhing sobrang baho para memorable.


At diyan nagtatapos ang Tips and Tricks 101 mula sa Endangered Mt.Tarakers/Papaya River Explorers. Kung may katanungan pa kayo, bat hindi muna kayo magpakamatay? 'De joke lang, basta wag niyo na sa'kin itanong. 



*PS: Kung ikaw ang magdadala ng camera, malamang lamang e laging wala ka sa picture.


2 comments: