Thursday 22 December 2011

Gapos

I. Mundo



Ika-dalawampu't dalawang kaarawan niya ngayon. Dahil nga kaarawan niya, siyempre parang ineexpect niya na may gagawin akong supresa sa kanya. Ganoon naman talaga e, kahit sabihin ng mga babaeng hindi nila ineexpect yung mga ganoong bagay, meron at merong expectations yan. Nagkakaiba lang sila sa bigat ng expectations. At may balak nga talaga akong surpresahin siya sa kanyang opisina. Dapat. Ang kaso, tinrangkaso ako. 38.2 ang basa ng thermometer. Sinubukan kong bumangon sa kama, pero hindi talaga kaya. Putang ina sa lahat pa ng araw bakit ngayon pa? Bakit hindi na lang noong isang araw kung kailan buong araw lang akong tumunganga sa trabaho? Bakit ngayon pa kung kailan dapat espesyal ang araw niya? Nag-file ako ng leave para lang magkasakit? Putang ina talaga.

Tanggap ko na, na hindi talaga kami para sa isa't isa. Natutunan kong tanggapin ang lahat matapos ang halos ilang taong pagninilay-nilay sa mga nangyari sa mundo. Siya na aking naging mundo. Mahirap lang nung una, dahil matapos ang lahat ng mga nangyari sa amin ay ganito, magtatapos sa wala. Hindi ko na siya hinabol dahil alam kong ako mismo ang gumawa ng dahilan para sa kanyang naging desisyon. Dahilan na hindi ko maitanggi sa parehong paraan na hindi ko rin matanggap. Dahilan na gawa ng hindi inaasahang pagkakataon, ang putang inang pagkakataon na hindi ko masisisisi dahil hindi ko ito magawang baguhin.

Tinawagan ko siya. Sabi ko, pasensya na, babawi talaga ako pag-okay na pakiramdam ko. Okay lang daw sabi niya. Magpahinga na daw muna ako at magpagaling. Pupuntahan niya dapat ako sa bahay kaso may lakad sila ng kanyang pamilya ng gabing iyon. Wala akong magawa. Makalipas ang ilang araw, naging malamig na ang pakikitungo niya sa akin. Bihira na kaming magkita. Kesyo busy siya sa trabaho na kahit sunduin ko siya e mas pinipili niya ng magovertime. Hindi ako manhid para malaman kong umiiwas na siya. Putang ina talaga. 

Walang closure. Basta ganoon na lang. Wala akong masisi. Putang ina talaga.

II. Buhay

Nakilala ko siya sa birthday party ni Bok. Kabarkada ng barkada nya ang kabarkada ko. Common friends. Nung una ko siyang makita, hindi ako nabighani sa kanya. Hindi naman siya ganoon kaganda, pero merong itsura. Hindi ganoon kasexy, pero may katawan. 

Hiningi ko ang cellphone number niya. Sabi ko tatawagan ko siya. Binigay niya. Positibo.

Nung una ko siyang makausap sa telepono, para akong nilabasan ng marinig ko ang kanyang boses. Napakaganda, napakalumanay, parang musika sa aking tenga.

Siya: Hello?

Ako: Uy hello, kamusta?

Siya: Ayos lang. Ikaw kamusta?

Ako: Ayos lang din, sobrang ayos! Hehe!

Siya: Okaaayy! Hehe

Ako: Uh, anong ginagawa mo nyan?

Siya: Uhh, nagbrobrowse lang sa net. E ikaw?

Ako: Kausap ka sa phone. Haha!

-end of call-

Naulit pa ng ilang beses ang ganitong mga usapan. Hanggang sa nagkikita na kami para manood ng sine, magbinggo, tumaya sa karera ng kabayo, at pumunta sa Star City. 

Nakilala ko pa siya ng mas mabuti. Hindi siya maarte pero mataas ang kanyang mga expectations. Mabilis siyang maasar, pero hindi siya napipikon. At inuulam niya sa kanin ang vanilla ice cream.

Tawang tawa ako pag-inaasar ko siya. Tuwang tuwa naman ako dahil sumasakay siya. Siya lang ang sumasakay sa trippings ko sa buhay. Parang siya lang ang nakakaintindi sa pinag-gagagawa ko sa buhay. Naging parte siya ng aking buhay. Hindi naglaon, siya na ang aking buhay. At unti-unting naging siya ang pinakamaganda at pinakasexy na babaeng aking kilala.

III. Langit

"Nasaan ako? Anong lugar ito?" tanong ko sa lalaking nakaputi.

"Patay ka na. Nasa langit ka ngayon." sagot niya.

Tinignan ko ang buong paligid, lahat nga ng tao ay nakaputi. May nakita akong gate. Doon siguro ang pinaka dulo ng langit.

Tang-ina paano ako namatay? E kanina lang kausap ko pa siya. Teka kanina nga ba yun? Aahh di ko talaga maalala!

"Ikaw ba si San Pedro?" tanong ko sa lalaking nakaputi.

"Hindi. Pero pwede ding ako nga. Pwede ding ikaw siya. Pwede ding sila." sabay turo sa iba pang mga nakaputing mga tao. "Mag-iingat ka lang dito. Hindi lahat ng nakaputi ay mabuti. Ang iba ay mga demonyong nagbabalalat-kayong mga anghel." Dugtong niya.

Tinignan ko ulit ang buong paligid. Demonyo? Dito sa langit? Wala talaga akong maalala. Kanina ko ba siya kausap? Alam ko kanina lang yon. Aahh!

"Ikaw halika dito!" tawag sa akin ng isang babaeng nakaputi na may kasamang dalawang malalaking lalaking nakaputi rin.

"Ako?" tanong ko.

"Oo ikaw nga. Bago ka dito diba? Inumin mo ito" pautos niyang tugon.

Lumapit sa akin ang lalaking nakaputi na pinagtanungan ko kanina at binulungan ako, "Yan ang katumbas ng mansanas na kinagat ni Eba. Sige inumin mo iyan."

Lumapit ako sa babaeng nakaputi. Inabot niya ang dalawang tabletas.

"Sige inumin mo na." utos niya.

Ininom ko.

"Nganga, taas mo dila mo." utos ng kasama niyang lalake.

Binuksan ko ang aking bibig at tinaas ang aking dila.

"Madali naman palang kausap itong si kuya e. Sige balik ka na dun"

Tabletas. Nakaputi. Gate.

May naalala ako.

Putang ina talaga! sinuntok ko ang pader.

Ginapos ako.





No comments:

Post a Comment