Monday 26 September 2011

Paulit-ulit nalang

I. Unibersidad

Lunes nanaman, eto ang pinakaayaw kong araw. Paulit-ulit nalang. May bagyo pa badtrip. Bakit ba kasi hindi pa sinuspinde ang klase, e halos nagsisiliparan na ang mga bubong dito. Ang labo din kasi ng PAGASA na walang pag-asang tumama sa pag-uulat ng panahon. Signal number 1 lang daw dito ngayon, pero tang-ina brip ko na lang ata ang hindi basa habang nilulusong ko 'tong galit na galit na ulan.

Diretso ako sa aking pinakamamahal na unibersidad. Medyo malapit na pala kong malate sa klase, shit. Pagdating sa gate, chineck ng mga sekyu ang bag ko, na notebook at ballpen lang ang laman, at kinapkapan ang pantalon kong medyo basa. University protocol daw, para sa kaligtasan ng mga mag-aaral. 

Oo eto may bomba ako mga motherfuckers at bobombahin ko kayo. Anong akala niyo sa mga studyante niyo, mga terorista? 

Sabagay kung ganito ba naman na bumabagyo tapos walang pakundangan ang namumuno, bobombahin talaga to. Pagkatapos mangapkap at magcheck ng bag, sinita yung pinagsabitan ng ID ko, kesyo dapat daw chest level. May bagyo na nga, nangungupal pa 'tong mga sekyu. Magandang araw.

Medyo hinihingal pa ko ng marating ko ang labas ng klasrum. Sinilip ko ang bintana. Wala pa si ma'am. Tiniklop ko ang payong ko. Saktong bubuksan ko na ang pintuan, biglang may tumutok ng animo'y baril sa likuran ko, 

"NBI 'to, alam naming adik ka. Itaas mo ang mga kamay mo." 

Paglingon ko, nakita ko si Mark, 

"Tangnang 'to ako pa ang adik ngayon." 

"Haha, o gago edi kinabahan ka." tuwang tuwa niyang sinabi, sabay high five. "Wala pa si ma'am, di na ata papasok 'yon, di naman nalalate 'yon e, baka napasarap karat ng boypren nya. Tara punta nalang tayo kela Jun." 

"Aano tayo dun?" 

"Tangnang 'to, ano pa bang ginagawa natin doon?" 

Napailing ako. Napatingin ako sa klasrum dahil umiingay. Binuksan ko ang pintuan at sinilip kung sino ang mga nasa loob. Siyempre mga kaklase ko. Mga nagpapayabangang mga coño at mga nagsama-samang mga geekshit na kilig na kilig habang nagkwenkwentuhan tungkol kay Enchong Dee, oo pati yung mga lalake. Natihimik sila't nilingon ako, kala nila instructor. Nang makitang ako pala, balik sila sa dating gawain. Binagsak ko nga ang pinto. 

Pumihit ako kay Mark, "Wala naman si Jun dito?" 

"Nagtext nga, na di na daw papasok. Nagyayaya nga sa kanila. Nakaiskor daw siya ng gulay na X-men. Zawm! Ano, tara?" 

"Gago kayo mga bad influence! Sige tara." 

II. Boarding house 

May ayaw at may gusto ako dito sa boarding house ni Jun. Ang ayaw ko dito e yung mga boardmates nyang chicks na maiingay. Ang gusto ko naman dito e yung boardmates nyang chicks na maiingay na pag nagbibihis e hindi nagsasara ng mga dapat isara kapag nagbibihis. Dahil madalas kami ni Mark dito, busog ang aming mga mata, rapsa. 

"Sinong bibisitahin nyo?" tanong ng kupal na guwardiya na nakabantay sa entrance. 

Yung adik nyong boarder. 

"Si Henry Santiago Jr. ho." 

"Sige maglog muna kayo dito tapos iwan nyo mga ID nyo." 

Si Mark ang nagsulat. 

M-a-r-k A-n-d-r-e-w R-i-v-e-r-a p-o-g-i-. 

Sabay pinirmahan ng kahit ano lang. 

"Isulat mo na din yung akin para mabilis." 

J-e-s-u-s B-a-r-t-o-l-o-m-e a-d-i-k. 

"O Bart pirmahan mo." 

"Ikaw na din tae. Kahit ano na." 

Pinirmahan niya. Hugis bulaklak. Tang-ina, baklang pirma. 

Pumunta kami sa unit ni Jun. Unit 14. Sa labas ng pintuan nya nakakalat ang mga sapatos. 

"Mister Henry Santiago Jr. lumabas ka dyan at magbayad ka na ng utang mo!" sigaw ni Mark habang kinakatok ang pinto. 

Bumukas ang pinto, lumabas si Jun. 

"Oh kayo pala, tara pasok kayo." 

"Tangnang 'to lakas umabsent tapos magyayaya ng session." anas ni Mark. 

"E sa bumabagyo nga e. At saka sisiw lang naman yong subject na yon. Edi mamaya pag humina yang ulan, pasok tayo." sagot ni Jun, "Ano ba papasok kayo sa loob o dyan na kayo?" 

Kahit pa-easy easy 'tong si Jun sa klase, isa siya sa mga nagtotop pagdating sa exams at mga quizzes. Ewan kung anong utak meron 'to, pero siyempre mas matalino pa din ako.

"Bumabagyo tapos may pasok, ano ba tingin nila sa mga studyante, water-proof?" inis na sabi ni Mark, habang gumagawa ng joint.

"Eh sa signal number 1 nga lang tayo, at saka, ano pa bang nirereklamo mo, absent ka na nga e." sagot ko.

"Reklamo ka ng reklamo bat kasi pumasok ka kanina." singit ni Jun. "At saka wag mong irason yang bagyo na kesyo hindi ka makakapasok, kesyo delikado. Ulol, e nakapasok ka nga ng buhay, nakapunta ka pa dito ng buhay. Pag gusto maraming paraan, pag-ayaw madaming bwakanamshit."

"Gago palibhasa absent ka talaga." hirit ni Mark.

"E sa ayaw ko ngang mabasa e." sagot uli ni Jun.

"Ano, di pa ba natin sisimulan to? May klase pa tayo mamaya."

"Sige simulan mo na. Tangina ikaw naman talaga pinakaadik sa'ting tatlo e. Mas adik ka pa kay Mark."

"Mas adik pa talaga sakin yan, ultimo dahon ng malunggay tinitira nyan e."

Sinindihan ko. Hinithit ng todo. Sabi kasi nila, pag di ka daw inubo ng sobra, hindi mo maabot ang mga stars. Pinasa ko kay Mark. Hithit. Pinasa kay Jun. Hithit. Inubo kaming mga hikain. Rapsa.

Nakatitig ako sa bintana, pinapanood ang malakas na pagbagsak ng ulan. Paulit-ulit nalang.

III. Aftermath

Hindi na ko pumasok pagkatapos namin kela Jun. Masyado akong lutang para makinig ng leksyon. Diretso ko sa boarding house. Naabutan ko sa sala si Bok, kaboardmate ko na nursing, abalang-abala sa pag-babasa.

"Bok, di ka din pumasok?" tanong ko sa kanya.

"Duty ako ngayon pero pang-gabi pa. Tinatamad nga kong magduty e, lakas ng ulan."

"Edi absentan mo muna duty mo."

"Kung pwede nga lang e. Kaso mahirap mag make-up duty."

Napailing nalang ako. Tuwing makakainuman ko kasi 'tong si Bok, lagi siyang nagrereklamo na ang hirap daw ng kursong nursing. Ang dami daw kung anu-anong shit. Bonus na lang daw siguro yung madaming chic sa college nila, pero naglipana din ang mga bakla. Pinilit lang naman daw talaga siya ng magulang niya, komo parehong nasa medical field ang kanyang mga magulang, di siya makapalag. Ang gusto niya daw sana ay mag-IT, o kahit anong kursong related sa computer. Pero eto siya ngayon, nagbabasa para sa duty, bumabagyo ng malakas, pero dedicated magduty ng pang gabi. Kung ako 'to inabsentan ko 'to.

Diretso ko sa kwarto ko. Nilagay ko ang bag sa lamesa tapos kinuha ang notebook at ballpen. Nakaugalian ko na kasi na magsulat hanggang limang pahina tungkol sa kahit ano bago matapos ang araw, kahit lasing ako, o wasak, o puyat basta naging parte na ng buhay ko ang pagsusulat. Paulit-ulit nalang. Sa ngayon, may tinatapos akong maikling kwento, mag iisang buwan na, pero hindi ko pa natatapos. May naisip na ko kung pano tatapusin, pero mamaya ko na gagawin.

Nilapag ko ulet sa lamesa ang notebook at ballpen. Binuksan ko ang drawer. Kinuha ko ang isang banig na Ativan na nireseta ng doktor. Noong isang buwan kasi, nagkaroon ako ng problema sa pagtulog. Bumili ako ng isang banig pero hindi ko iniinom. Binuksan ko isa-isa ang mga tableta, at inipon sa kamay ko na parang mga nabunging ngipin.

Kinuha ko ulet ang notebook at ballpen ko. Sinulat ang katapusan ng aking ginagawang kwento.

Paulit-ulit nalang. Ngayon hindi na.

Ininom ko ang isang dakot ng gamot at lumagok ng tubig. Humiga ako at pinikit ko ang aking mata. Pinakinggan ko ang malakas na bagsak ng ulan.

No comments:

Post a Comment