Tuesday 27 September 2011

Morgan

Noong bata pa ako, may binigay sa akin na tuta si mang Kanor. Pinangalanan ko yung tuta ng Morgan. Matabang lalake si Morgan at kulay puti ang kanyang mga balahibo. Malalaki at kulay brown ang kanyang mga mata. Si Morgan ay isang askal na anak ng aso nila mang Kanor na si Jackie, pero hindi ko alam kung sino ang kanyang tatay. Tuwing umuuwi ako galing sa paaralan, lagi akong sinasalubong ni Morgan sa gate namin. Kapag wala namang pasok ay lagi ko siyang kalaro sa may bakuran. Ayaw na ayaw ni Morgan ang pinapaliguan siya. Noong pinaliguan ko siya minsan, umalulong siya ng umalulong at muntik pa akong kagatin. Siguro pusa ang tatay niya.



Noong lumaki naman na si Morgan, naging paborito niya ang pag ngatngat ng mga tsinelas. Muntik na siyang katayin ni kuya dati nang ngatngatin niya ang bagong Islander nito. Dahil nga malikot si Morgan, pati mga paso namin sa bakuran ay nababasag niya. Napagdesisyunan ni tatay na itali si Morgan sa likod ng bahay dahil masyado na siyang nakakaperwisyo. Hindi ako sumang-ayon dahil sabi ko kawawa naman si Morgan. Pero wala na akong nagawa nang pinapili ako ni kuya kung itatali niya ba ito o kakatayin na lang.



Naging busy ako sa pag-aaral noong high school at bihira ko nang makalaro si Morgan. Tuwing makkita niya ko ay winawagay niya ang kanyang buntot at makikita sa kanyang mga mata na masaya siya. Minsan nakawala si Morgan sa pagkakatali. Nginatngat niya lahat ng tsinelas sa harap ng bahay namin, pati ang tsinelas ko hindi nakaligtas. Nang makita ni kuya na nginatngat nanaman ang tsinelas niya, agad niyang pinuntahan si Morgan. Isang malakas na hataw ng walis tambo ang tumama sa tagliran ni Morgan. Umalulong ng umalulong si Morgan at iika-ikang lumakad papalayo kay kuya.

Naging matamlay na si Morgan matapos ang insidente na yon. Pero pag pinupuntahan ko siya sa likod ng bahay para pakiinin, winawagay niya ang kanyang buntot at makikita sa kanyang mata na masaya siya. Isang gabi, tahol ng tahol si Morgan. Nang silipin ni tatay kung anong meron, nakita niya na may nagtatangka palang manloob sa bahay. Dahil may mga nagpapatrol na mga tanod ng oras na yon, sumigaw si tatay ng Magnanakaw! at dahil doon, nahuli ang mga magnanakaw. Simula noon ay hindi na ulit nakatali si Morgan.

Graduation ko ng highschool nang dumating sila tito Jun. May kaunting hinanda si nanay bilang pasasalamat. Inimbitahan din namin sila mang Kanor at aling Lotlot. Siyempre dahil tapos na ako sa highschool, pinayagan na akong uminom ng alak kaya nakiupo ako sa inuman nila tatay. Narinig ko na trip nila na mamulutan ng aso. E dahil wala naman kaming pambili ng asong pwedeng katayin, inutusan ni tatay si kuya na samahan si mang Kanor kay Morgan. Pipigilan ko sana sila kuya pero sabi ni tatay, pagbigyan ko na daw sila dahil minsan lang naman yon at matagal na din silang di nakakakain ng aso. Wala na akong nagawa.

Hawak ang tubo, kinorner ni mang Kanor si Morgan sabay hampas ng malakas. Ulo ang puntirya ni mang Kanor pero dahil naka-iwas si Morgan, napuruhan ang kanyang tagiliran. Umalulong siya ng malakas. Iika-ika siyang tumakbo papalayo kay mang Kanor. Nakita ako ni Morgan, winagayway niya ang kanyang buntot. Makikita sa kanyang mukha na may masakit sa kanya pero makikita din naman sa kanyang mata na masaya siya. Pupuntahan dapat ako ni Morgan, pero isang malakas na hampas ng tubo ang dumapo sa ulo niya. Tumba si Morgan.

Masayang nag-inuman sila tatay. First time kong uminom ng alak. Hindi ako nagpulutan.


2 comments: